Bomba natagpuan sa banko
MANILA, Philippines - Isang malakas na uri ng bomba ang natagpuan sa gusali ng isang banko, kahapon ng umaga sa Parañaque City.
Batay sa ulat ng Parañaque City Police, pasado alas-7 ng umaga nang madiskubre ang nasabing eksplosibo sa harapan o entrance mismo ng gusali ng sangay ng Union Bank, Rodeo Bldg., Kilometer 18, West Service Road, nabanggit na lungsod.
Nabatid na kasalukuyang naglilinis ang maintenance crew ng nasabing banko na si Serafion Palo-Palo, 53, nang mamataan nito ang isang bagay na nakabalot sa packaging tape at may mga nakalawit na wirings. Agad namang ipinagbigay-alam ni Serafion sa mga sekyu ng banko ang nadiskubreng eksplosibo na agad ring itinawag sa himpilan ng pulisya.
Nang suriin naman ng mga rumespondeng kagawad ng Parañaque-SWAT team ang eksplosibo, dito napag-alaman na ito ay naglalaman ng 143.5 gramo ng C-4, fuse, timer, at blasting cap kung saan posible umanong magiba nito ang gusali ng banko o kahalintulad ng isang bungalow-type na gusali kung nagkataon na sumabog ito. Agad namang pinalabas ang lahat ng tao sa loob ng banko at noon din ay pinasabog ng operatiba ang naturang eksplosibo upang hindi na maka-pinsala pa sa buhay at ari-arian.
Sa kasalukuyan ay inaalam pa ng pu lisya kung anong grupo ang may kagagawan sa naturang insidente at kung ano ang motibo ng mga ito. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending