MANILA, Philippines - Pormal na naghain ng reklamo kahapon sa National Bureau of Investigation (NBI) ang singer na si Selina Sevilla, laban sa nagsagawa sa kanya ng butt enhancement na naging dahilan ng pagkalat ng impeksiyon.
Personal na nagtungo ni Sevilla (Sharon S. Simon sa tunay na buhay), kay NBI-Special Action Unit chief, Atty. Angelito Magno, inireklamo nito ang isang Dr. R.A. Eugenio, na nag-inject umano sa kaniya ng Silicon oil, para sa butt enhancement noong 1998 sa halagang P20,000. at may house clinic umano ito noon sa #2648 Dominga St. sa Malate, Maynila.
Aniya, nagawa pang i-repair ni Dr. Eugenio nang mapansin niya na hindi pantay ang laki at ayos ng kaniyang puwet.
Noong 2003, habang nasa London umano siya, nakaramdam na siya ng pananakit at paninigas ng puwet at nagsimula na rin umanong maglabas ng oil.
Nitong nakaraang buwan naman ay nakita niyang deformed na ang kanyang puwet dahilan upang ipakonsulta niya sa isang Dr.Lorenzo Loh na nagkumpirmang kalat na ang impeksiyon sa kanyang puwet. Naniniwala rin umano siya na marami din ang may katulad niyang problema sa ngayon subalit hindi pa lumalantad, dahil marami siyang nakasabay na entertainers na nagpa-butt enhancement din kay Dr. Eugenio.
“But of course, it was secret before. No one would admit that we undergo retoke nakakahiya nung time ko. Nililihim naming talaga. I have to be beautiful kasi ang performer dapat total package hindi pwede maganda lang boses namin, lalo na sa Japan. At saka may anak na ako at the time na nadiscover ako ng Alpha Records so I have to improve my butt,” aniya pa.
Pinag-aaralan na rin ng abogado niyang si Atty. Rey Edgar Dazo, ang paghahain ng kasong illegal practice at reckless imprudence resulting to serious physical injuries laban kay Eugenio dahil posibleng hindi ito lisensiyadong doktor para masampahan ng kasong malpractice.
Ayon kay Magno, hindi lisensiyadong doktor si Eugenio at nasa ibang bansa na ito kaya’t nakatakda silang makipag-ugnayan sa mga embahada.
“We went to the house-clinic of Eugenio but it was not already his house-clinic but a boutique. We also learned that he was in the United States or abroad and we are tracing his whereabouts. We conducted background check on him and we are 80% sure that he was not a doctor,” ani Magno.
Si Selena ay ikalawa na sa kaso ng may problema sa butt enhancement na dumulog sa NBI. Una rito ang 40-anyos na negosyanteng si Josefina Norcio na naimpeksiyon din ang puwet dahil sa umano’y hydrogel butt implant na isinagawa sa Belo Medical Clinic. (Ludy Bermudo)