MANILA, Philippines - Dalawang pinaghihinalaang big-time Chinese drug traders ang nasakote ng mga awtoridad kasunod ng pagkakasamsam sa P24-milyong halaga ng shabu sa isinagawang drug-bust operation sa Valenzuela City, kamakalawa.
Kinilala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Supt. Roberto Rosales ang mga nasakoteng suspect na sina Tony Go, alyas Tony Chua, 39, ng Santiago St., Brgy. Canumay, Valenzuela City at Lang Ong, 34, ng Timog Avenue, Quezon City.
Ayon kay Rosales ang dalawang Chinese big time drug trafficker ay pawang tubong Fukien, China .
Sinabi ni Rosales na ang dalawang suspect ay nasakote sa drug-bust operations na isinagawa ng pinagsanib na elemento ng NCRPO at Northern Police District dakong alas-11 ng umaga sa Brgy. Canumay ng lungsod.
Ang matagumpay na pagkakaaresto kina Go at Ong ay bunsod ng masusing surveillance operations laban sa pagkakasangkot ng mga ito sa ilegal na aktibidades.
Hindi na nakapalag ang mga suspect matapos na makorner ng arresting team ng pulisya.
Nasamsam mula sa mga ito ang apat na kilo ng metamphetamine hydrochloride o ang mas kilala bilang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P24- milyon, isang kulay abong Honda Civic (XGY-393) at isang unit ng Samsung mobile phone.
Sinabi ni Rosales na ang mga suspect ay isinailalim na sa inquest proceedings ng Office of the City Prosecutor ng Valenzuela City kaugnay ng paglabag sa Section 5 (Sale, Trading, Dispensation, Delivery) ng Section 26 (attempt or conspiracy) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.