MANILA, Philippines - Itinanggi ng sinibak na director ng Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang umano’y kapabayaan nito at di pagtanggap sa isang pasyenteng manganganak na kamakailan.
Sa ipinadalang liham ni Dra. Evangeline P. Morales, nilinaw nito na hindi siya dapat managot sa ’di pagtanggap sa pasyenteng si Nestlyn Defiesta, 17, ng magtungo ito sa GAB dakong alas-11 ng gabi noong Hunyo 26, 2009 dahil nasa bahay na siya ng oras na iyon.
Batay sa mga hininging reports ni Morales sa kanyang mga staffs, nililimitahan na ng GAB ang pagtanggap nila ng mga pasyenteng manganganak dahil sa umaapaw na bilang umano ng mga pasyente dito na umabot hanggang 64 gayung 48 lang ang kapasidad ng kanilang O.B. ward.
Maging ang Pediatric department ay naglabas na rin aniya ng kautusan para limitahan ang pagtanggap ng mga buntis na manganganak.
Sa kaso ni Defiesta, pinayuhan umano ni Dra. Trixie Cruz ang una na magtungo ito sa health center na sumusuri sa kanyang kalagayan at dito manganak dahil puno na ang mga kuwarto ng OB ward ng GAB, bukod pa sa 3cm dilated pa lamang ito at maaaring tumagal pa ng 8-10 oras ang labor nito bago tuluyang manganak, kaya wala aniyang katotohanan na tinanggihan ng GAB si Defiesta kahit na labas na ang ulo ng bata.
Sa record ng panganganak ni Defiesta sa Ospital ng Maynila, nakita umanong 6cm dilated pa lang ang kondisyon ng kanyang pagle-labor nang ito’y dumating dito kaya imposibleng nakalabas na ang ulo ng sanggol ng pumunta ito at tanggihan ng GAB. (Grace dela Cruz)