MANILA, Philippines - Kritikal ang isang 14-anyos na estudyante makaraang pagbabarilin ng shotgun ng isang barangay tanod ang kabataang grupo ng una na dahilan upang masapol ang biktima, kahapon ng madaling-araw sa Las Piñas City.
Agaw-buhay na inilipat sa Philippine General Hospital ang biktimang si John Michael Baliaro, bunga ng mga tama ng shrapnels ng 12-guage shotgun sa likurang bahagi ng katawan nito.
Agad namang naaresto ang suspect na si Julieto Sallano, 24, barangay tanod ng Gemini St., Manoyo 2, Las Piñas City.
Batay sa ulat, pasado ala-1 ng madaling-araw nang mangyari ang insidente sa Gatchalian Subd., Gemini St., nabanggit na lungsod.
Nabatid na ang biktima at ang mga kasamahan nitong kabataan ay una umanong nagpumilit na pumasok sa nabanggit na subdivision kung saan ay agad namang sinita ang mga ito ng suspect na hindi naman pinakinggan ng grupo ng una.
Dahil sa labis na pagka-irita ay napilitan umano ang suspect na barilin ang naturang mga kabataan na ikina-sapol naman sa likuran ng biktima.
Nang duguan ng tumimbuwang ang biktima ay tinangka namang tumakas ng suspect subalit agad naman itong naaresto ng mga rumespondeng pulis. (Rose Tamayo-Tesoro)