MANILA, Philippines – Upang malaman ang katotohanan, iginiit kahapon ng pamilya Jimenez sa panel of prosecutors ng Department of Justice (DOJ) na muling maeksamin ang sinasabing bangkay ni Ruby Rose Barrameda.
Dahil dito kayat napagpasyahan ng panel na isagawa ang muling pag-eeksamin ng mga ebidensiya bukas ganap na ala- 1:30 ng hapon sa PNP crime laboratory.
Mariin naman tumutol si Atty. Rowena Guanzon, abogado ng pamilya Barrameda sa gagawing re-examine sa mga ebidensiyang hawak ng PNP.
Iginigiit ni Atty. Guanzon, na sapat na ang mga pictures na naisumite nila sa panel na nakuha mula sa sinasabing pinagsilidan ng bangkay ni Ruby Rose Barrameda.
Binasura din ng panel ang manifestation na inihain ng complainant na tanggalin sa bahagi ng naisumiteng affidavit ang nagsasabing, tanging si Manuel Jimenez lll, ang may motibong patayin ang kanyang asawa.
Ayon sa panel, bahagi lamang umano ito ng tinatawag nilang expression of sentiments. Kasabay nito, nagsagawa naman ng rally sa labas ng DOJ ang may 30 katao na kumukuwestiyon sa kredibilidad ni Manuel Montero.
Hiniling ng Samahang Kababaihan ng Navotas (SAKAN) sa DOJ na maimbestigahan ang akusasyong ginahasa ng witness sa Ruby Rose Jimenez case ang sarili nitong anak.
Ayon kay Joyce Pinero, pangulo ng SAKAN, nagtataka sila sa sobrang pananahimik ni Gabriela Partylist Rep. Liza Maza sa sinasabing rape case ng testigo sa Ruby Rose case na si Manuel Montero.
Ayon sa grupo nagkamali ang NCRPO ng kuning testigo si Montero dahil isa itong rapist at siyang pumaslang kay Ruby Rose subalit wala umanong kinalaman dito ang pamilya JImenez. (Gemma Amargo-Garcia)