Ulo ng factory worker napisak sa gulong

MANILA, Philippines - Napisak ang ulo ng isang 25-anyos na lalaki na nagulungan ng isang kotse nang tumilapon ito mula sa sinasakyan niyang motorsiklo, kahapon ng umaga sa Caloocan City.

Nakilala ang biktima na si Alvin Mapula, factory worker, at residente ng 1459 DM Compound, Heroes Del 96, ng naturang lungsod.

Blangko naman ang mga otoridad sa pagkakakilanlan sa suspek na nakabangga sa biktima makaraang takasan ang kanyang pagkakasala.

Sa ulat ng Caloocan City Traffic Management Unit, naga­nap ang aksidente dakong alas-5:00 ng umaga sa may panulukan ng 8th street at C-3 Road sa naturang lungsod.

Binabagtas ng biktima ang C-3 road patungong Rizal Avenue nang iwasan umano ang isang kotse sa kanyang kanan na nakagitgitan nito sanhi upang rumampa ang mina­maneho niyang motorsiklo sa center island sa kanyang kaliwa na naging dahilan naman upang tumi­lapon siya.

Dito nagulungan ng hindi pa mabatid na uri ng sasakyan ang ulo ng biktima habang nakalugmok ito sa kalsada at hindi na rin hinintuan ng naturang driver upang makatakas sa pananagutan. (Danilo Garcia)

Show comments