MANILA, Philippines - Ngayon pa lang ay nananawagan na sa pamahalaan ang mga trabahador ng higanteng pagawaan ng gulong sa bansa na Goodyear Tire and Rubber Company sa Las Piñas City na bigyan sila ng kaukulang ayuda para makahanap ng malilipatang trabaho bago pa man magsara ang nasabing pabrika sa Septyembre ng taong kasalukuyan.
Una na kasing nabatid kay Dave Morin, managing director ng nasabing kompanya, na isasara na ang manufacturing facility ng Good Year Philippines sa Las Piñas City sa Setyembre bunga na rin ng pagkalugi sa export market ng kanilang produkto.
Ayon naman sa ilang nakapanayam na trabahante ng nasabing pabrika, hinihiling nila sa pamahalaang Arroyo na bigyang kalutusan ang patuloy na pagbagsak ng ekonomiya sa bansa upang mahinto na ang pagsasara ng mga naglalakihang kompanya at pabrika dahilan upang mawalan ng trabaho ang malaking bilang ng masang Pilipinong katulad nila.
Sa ngayon ay problemado na ang mga mawawalan ng trabahong mga manggagawa ng Good Year dahil ilang buwan na lamang anila ay mawawalan na sila ng matinong pagkukuhanan ng kanilang makakain at pangangailangan sa araw-araw.
Nabatid na halos singkwenta porsiyento ng kita ng Goodyear Philippines ay nakasalalay sa pag-export ng kanilang gulong at sa nakatakda nilang pagsasara ay may 600 trabahante ang mawawalan ng trabaho. (Rose Tamayo-Tesoro)