MANILA, Philippines - Nauwi sa madugong saksakan ang pagtatalo ng dalawang magkasama sa trabaho habang nag-iinuman sa Barangay Plainview, Mandaluyong City kamakalawa ng madaling-araw.
Lumilitaw sa Imbestigasyon na pinagtatalunan ng biktimang si Junnie Gumba, 37-anyos, at ng suspek na si Francis Diaz, 52 anyos, kung sino ang mas tama sa naglalabanang mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines at rebeldeng New People’s Army hanggang sa magkapikunan at magsaksakan ang dalawa.
Agad na nasawi si Gumba dahil sa napakaraming tama ng saksak sa katawan.
Pinaghahanap ng pulisya si Diaz na nakatakas matapos ang insidente.
Ang suspek at biktima ay kapwa trabahador sa kumpanyang Mel Morales Gravel and Sand sa 252 Sto. Rosario, Barangay Plainview.
Ayon sa imbestigasyon, masayang nag-iinuman at nagbibiruan sina Gumba at Diaz sa loob ng naturang kumpanya hanggang sa mapunta ang usapan nila sa problema ng insurgency sa bansa.
Nais ni Gumba na pulbusin ng AFP ang NPA pero ipinagtatanggol ni Diaz ang mga rebelde.
Dito uminit ang usapan hanggang sa pumasok ng kanilang barracks si Diaz at nang lumabas ay armado na ng patalim.
Dito nito pinagsasaksak ang biktima na nagawa pa umanong salagin ang mga unang saksak sa kanya hanggang sa mapuruhan ito at hindi na makapanlaban.