Suminghot ng rugby, sinalvage
MANILA, Philippines - Isang bangkay ng lalaki na hinihinalang biktima ng salvage ang natagpuan ng mga operatiba ng Manila Police District kamakalawa ng gabi sa Sta. Cruz, Maynila.
Ang biktima na kinilalang si Michael Amores, 21, umano’y miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik Gang at residente ng 1609 Antipolo st. ng nasabing lungsod, ay natagpuang nakasilid sa loob ng isang sako na may marka sa leeg na palatandaang pinatay ito sa pamamagitan ng pagbigti.
Lumalabas sa imbestigasyon ni Det. Jay Santos, homicide investigator, na dakong alas-8:10 ng gabi nang matagpuan ang bangkay sa isang bakanteng lote sa Laguna extension, malapit sa kanto ng Felix Huertas St. sa Sta. Cruz.
Naniniwala naman ang ina ng biktima na si Aling Leonita na na-‘salvage’ ang kanyang anak dahil, bago ito natagpuang patay, sinasabing binagansiya ito ng pulis kasama ang tatlo pa nitong kasamahan habang sumisinghot ng rugby sa riles sa kanto ng Antipolo at Avenida Rizal sa Sta. Cruz.
Dagdag pa ni Leonita, pinakawalan umano ang tatlong kasamahan ng biktima ngunit binitbit ng mga ito ang kanyang anak.
Kinabukasan ay nagsimula umanong maghanap si Leonita hanggang sa nabalitaan na lamang niya ang sinapit ng kanyang anak. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending