MANILA, Philippines - Isang 25 anyos na babae ang pinagbabaril hanggang mapatay ng tatlong lalaking hinihinalang miyembro ng isang sindikato ng droga sa Barangay Culiat, Quezon City kamakalawa ng hapon.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Christina Bautista, hindi pa tiyak ang tirahan, nakasuot ng asul na t-shirt at short, 5’4’’ hanggang 5’5’’ ang taas at katamtaman ang pangangatawan.
Sinasabi sa ulat ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit na naganap ang insidente dakong alas-5:00 ng hapon ng Biyernes sa Alley kanto ng Maguindanao St., Salam Mosque Compound sa Culiat.
Tumakas naman ang tatlong salarin na nakilala lamang sa mga alyas na Jumong, alyas Jamar at isang hindi pa nakikilalang lalaki.
Nauna rito, nagtungo si Bautista at kaibigan nitong si Kimberly sa bahay ni Jamar sa Salam Mosque Compound sa Tandang Sora para bumili umano ng shabu.
Lumabas ng bahay sina Jamar, Jumong at isa pang lalaki kasunod nina Bautista at Kimberly. Pagkaraan ng ilang minuto, pinagbabaril ng mga suspek ang biktima.
Hinihinala ng mga awtoridad na pinagkamalan umanong ahente ng awtoridad ang biktima matapos umano nito sabihin sa kasama na siya ang nagbigay ng impormasyon sa mga pulis kung bakit nadakip noong una ng mga pulis si Jumong hinggil sa pagkakasangkot ng huli sa illegal na droga.