4 miyembro ng 'Estribo Gang', timbog

MANILA, Philippines - Nahuli ng mga elemento ng Quezon City police ang apat na miyembro ng Estribo Gang ma­karaang holdapin ng mga ito ang isang FX taxi kamaka­ lawa ng gabi sa nabanggit na lungsod.

Kinilala ang mga nadakip na suspect na sina    Mark Relosa, 19; Jay-Ar Diato, 20; Jeffrey Avila, 25; at Noriel Lagman, 27, habang nakatakas ang isa nilang kasamahan na nakila­lang si Dante Santos, 23.

Base sa report, dakong alas-9 kamakalawa ng gabi nang maganap ang pangho­holdap sa loob ng FX taxi (PWL- 979 ) sa may Commonwealth Ave. sa kanto ng Litex Road.

Sa sumbong sa pulisya ng mga biktimang sina Charlene Ragudo, 23; at Mary Joy San Bue­naventura, 31; patungo umano sa direksiyon ng Que­zon City Circle ang sinasakyan nilang FX taxi at pagsapit sa tapat ng nasabing lugar nag­sipagbunot ng baril at patalim ang mga suspek at saka nag­deklara ng holdap.

Tinangay ng mga holdaper kina Charlene at Mary Joy ang 2 Nokia cellphone, P8,000, mga alahas, mga ATM cards at  credit cards.

Agad naman na natunton ng mga awtoridad ang hideout ng mga holdaper at sa isina­gawang follow-up operation nasukol nila ang mga suspek sa may Riverside St., Brgy. Com­monwealth.

Nasamsam sa mga suspek ang tatlong paltik na baril at mga ice pick na gamit nila sa pang­­hoholdap. (Angie dela Cruz)

Show comments