4 miyembro ng 'Estribo Gang', timbog
MANILA, Philippines - Nahuli ng mga elemento ng Quezon City police ang apat na miyembro ng Estribo Gang makaraang holdapin ng mga ito ang isang FX taxi kamaka lawa ng gabi sa nabanggit na lungsod.
Kinilala ang mga nadakip na suspect na sina Mark Relosa, 19; Jay-Ar Diato, 20; Jeffrey Avila, 25; at Noriel Lagman, 27, habang nakatakas ang isa nilang kasamahan na nakilalang si Dante Santos, 23.
Base sa report, dakong alas-9 kamakalawa ng gabi nang maganap ang panghoholdap sa loob ng FX taxi (PWL- 979 ) sa may Commonwealth Ave. sa kanto ng Litex Road.
Sa sumbong sa pulisya ng mga biktimang sina Charlene Ragudo, 23; at Mary Joy San Buenaventura, 31; patungo umano sa direksiyon ng Quezon City Circle ang sinasakyan nilang FX taxi at pagsapit sa tapat ng nasabing lugar nagsipagbunot ng baril at patalim ang mga suspek at saka nagdeklara ng holdap.
Tinangay ng mga holdaper kina Charlene at Mary Joy ang 2 Nokia cellphone, P8,000, mga alahas, mga ATM cards at credit cards.
Agad naman na natunton ng mga awtoridad ang hideout ng mga holdaper at sa isinagawang follow-up operation nasukol nila ang mga suspek sa may Riverside St., Brgy. Commonwealth.
Nasamsam sa mga suspek ang tatlong paltik na baril at mga ice pick na gamit nila sa panghoholdap. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending