4 Nigerian idedeport
MANILA, Philippines - Ipatatapon palabas sa bansa ang apat na Nigerian national na hinihinalang kasapi ng bigtime credit card syndicate kasunod ng kanilang pagkaka-aresto nitong nakalipas na buwan.
Ayon kay Immigration Commissioner Marcelino Libanan, ipinasailalim na sa deportation proceedings ang apat na dayuhan na kinilalang sina Benson Alochukwa Onwuama, Rotini Mumuni Oladapo, Robinson Adatire at Olarewaju Mojeed Ayegbusi.
Ang kautusang ideport ang mga Nigerian nationals ay kasunod sa pagpasa ng National Bureau of Investigation sa mga suspek sa Immigration Bureau matapos silang maaresto sa Bacoor, Cavite noong Hunyo 25, 2009.
Isinagawa ang operasyon ng NBI laban sa mga Nigerian matapos na ipagharap ng reklamo ng isang babae na bumili ng electronic airplane ticket gamit ang credit card na kinuha sa mga suspek. Ang babae ay hinarang sa Ninoy Aquino International Airport dahil sa paggamit ng pekeng credit card.
Sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 8484 o Access Device Act ang apat na dayuhan at kasalukuyang nakapiit sa BI jail sa Bicutan, Taguig City. Sila ay ilalagay sa listahan ng mga dayuhang blacklisted at hindi na maaari pang tumuntong sa Pilipinas. (Ellen Fernando at Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending