MANILA, Philippines - Umaabot sa 100 pamilya ang inilikas ng Marikina Rescue 161 makaraang umapaw ang tubig sa Marikina River habang may 400 pang pamilya ang inilikas rin sa bayan ng San Mateo at Rodriguez sa Rizal upang makaiwas sa flashflood sa Montalban river kahapon ng umaga.
Sa pahayag ni Jomer Evangelista, ng Marikina Rescue 161, napilitan silang ilikas na ang mga pamilya na naninirahan sa gilid ng Marikina River sa Brgy. Malanday nang umakyat na sa 16.7 metro ang level ng tubig dito dahil sa walang humpay na lakas ng pag-ulan.
Isang bata naman na nakilalang si Arnold Julian, 9-anyos, ang iniulat na nawawala makaraang mahulog sa manhole sa Brgy. Silangan, San Mateo, Rizal. Isang search and rescue operation na ang isinasagawa upang marekober ang biktima.
Sa ulat na ipinarating naman ng Rizal Information Office, umaabot sa 200 pamilya ang inilikas sa mga ligtas na lugar sa Brgy. Sta. Ana, Ampid at Silangan sa San Mateo habang may 200 pamilya rin ang inilikas sa Brgy. San Jose, Rosario, San Rafel at San Jose dahil sa pag-apaw ng Montalban River.
Patuloy naman ang isinasagawang monitoring ng Marikina City Government sa patuloy na pagtaas ng antas ng tubig sa Marikina River kung saan inaasahan na marami pang pamilya ang maaaring maapektuhan.
Binabantayan naman ng Rizal Provincial Government ang posibilidad ng mga landslides sa mga matataas na lugar at flashfloods sa maba babang lugar sa ilang bayan sa lalawigan. (Danilo Garcia)