Pagkatapos ni Mancao, Dumlao pabalik na rin
MANILA, Philippines – Makababalik na sa Pilipinas bago pa matapos ang buwan ng Hulyo, si dating police Senior Supt. Glenn Dumlao, na nasasangkot sa kasong pagpatay kay dating publicist Salvador “Bubby” Dacer at driver na si Emmanuel Corbito noong 2000.
Nabatid mula sa insider ng NBI na sa darating na Hulyo 20 ang paghahain ng deposition ni Dumlao sa US court na dumidinig sa extradition case ng kapwa akusadong si dating police Sr. Supt. Michael Ray Aquino at ilang araw lamang ay maari nang makauwi si Dumlao.
Sinabi pa ng NBI na may intensiyon din si Dumlao na tumestigo at upang mag-corroborate sa mga naunang testimonya ng state witness na si dating Sr. Supt. Cesar Mancao laban sa mga may kinalaman sa Dacer-Corbito double murder case.
Una nang inatasan ng US court sina Mancao at Dumlao na maghain ng deposition bago tuluyang ma-extradite sila, kahit na hindi na sila lumutang sa pagdinig ng extradition ni Aquino, na nakabinbin pa hanggang sa kasalukuyan.
Sa oras na handa na ang extradition ni Dumlao, susunduin din siya ng NBI team mula sa Los Angeles, California. Una nang nabigo ang NBI team nang sunduin noon si Dumlao, sa kanilang pag-uwi mula Los Angeles, noong Marso 23, 2009 dahil sa kautusan ni US district court (New York) Judge Thomas Platt kaugnay sa extradition. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending