7 parak inireklamo ng 'hulidap'

MANILA, Philippines – Pitong pulis kabilang ang isang opisyal ang nasa balag ng alanganin nang ireklamo ang mga ito ng illegal arrest, planting of evidence at extortion sa Ca­loocan City kahapon.

Kinilala ang mga inireklamo na sina Senior Insp. Leonilo Padulaga, hepe ng Police Community Precinct 16 at mga ta­uhan nito na sina PO1 Gerardo Dangaap, PO2 Mario Bautista, PO1 Ricardo Castillo at isang PO1 Dungca.

Kasama rin sa kinasuhan sina PO2 Randy Hipolito at SPO1 Julio Lobrin, kapwa ng anti-illegal drugs ng lungsod.

Sa mga naging pahayag ng mga complainant na sina Nemia Ramos, 45 at Marissa Rico sinabi ng mga ito na noong nakalipas na June 11, 2009, alas-6 ng gabi, nagpunta ang mga tauhan ng PCP-16 sa kanilang bahay sa San Vicente St., Camarin at hinuli sila kasama ang mga kapitbahay na sina Jose Angeles at Romeo Alibayan Jr.

Ayon pa kay Ramos, pagdating nila sa PCP-16 ay sinalubong siya ng mura ni Padulaga at pinasakay sila sa mobile bago dinala sa tanggapan ng Anti-Illegal Drugs sa Samson Road, ng lungsod na ito. Tina­ni­man umano ng shabu ang mga com­plainant at hinihingan ni Hipolito ng P200,000 subalit nagkatawaran hang­gang sa magkasundo sa P50,000 na naging dahilan upang makalaya ang mga ito.

Makalipas ang isang buwan, hindi matanggap nina Ramos ang nangyari sa kanila na naging dahilan upang mag­sampa ng nasabing kaso laban sa na­banggit na mga pulis. (Lordeth Bonilla)


Show comments