MANILA, Philippines – Nagtapos ang paglapastangan ng dalawang babae na sinasabing miyembro ng “Salisi Gang” na nag-ooperate sa loob mismo ng Simbahan makaraang ipaaresto ng isang ginang na kanilang biniktima, kamakalawa ng hapon sa Mandaluyong City.
Nakilala ang mga nadakip na sina Lydia Perez, 55, ng Las Piñas City; at Moldy dela Cruz, 51, ng Sampaloc, Manila. Nakatakas naman ang sinasabing lider nila na kinilala sa alyas “Bakla”.
Ipinaaresto ang dalawa ng biktimang si Diana Navera, 55, ng Kawilihan Village, Pasig City.
Sa ulat ng Mandaluyong police, naganap ang pag-aresto sa mga suspek dakong alas-6 ng hapon sa loob ng Sanctuario de San Jose church sa East Greenhills, Mandaluyong. Ayon kay Navera, nagdarasal umano siya nang tumabi sa kanya ang isa sa mga suspek hanggang sa maramdaman niya na may dumudukot sa loob ng kanyang handbag. Nang kanyang tingnan, ang bag ay nawawala na ang kanyang pitaka.
Agad namang humingi ng tulong si Navera sa mga security guard ng naturang Simbahan na siyang dumakip sa dalawang babae na itinuro ng biktima hanggang sa marekober ang nawawalang pitaka. (Danilo Garcia)