Shabu session ng mga preso talamak sa Bilibid
MANILA, Philippines - Isang asawa ng isa sa mga preso ng National Bilibid Prison sa Muntinlupa ang nanana wagan sa Philippine Drug Enforcement Agency na aksyunan ang mga shabu session sa loob ng mga kubol sa NBP.
Nagagawa umano ng mga tinatawag na “runner” ng bawal na gamot na maglabas-masok sa NBP sa pakikipagsabwatan ng ilang jailguard na kumikita sa iligal na mga transaksyon sa droga sa loob ng pambansang piitan.
“Talamak ang droga sa loob at may kinalaman dito ang mga unipormadong tao,” sabi ng naturang ginang sa kanyang sulat na pinadala sa PDEA.
Sinabi pa niya na maaaring walang nalalaman dito si NBP Chief Oscar Calderon pero nakakabatid sa problemang ito ang mga opisyal nito tulad ng jail superintendent, officer-in-charge, commander at jailguards.
Ayon sa sulat, ang pot session ng mga preso ay ginaganap sa kanilang mga kubol kapag sarado na ang mga gate ng NBP at meron silang mga dalaw. Merong tao na nagsisilbing lookout habang nagdudurog sila.
Naitatago nila ang mga droga sa mga kisame, dingding na lawanit, rubberized buyons, kanilang mga pantalon, tsineles, walis at kahit dust pan.
Sinabi pa ng ginang sa sulat niya kay PDEA Director General Dionisio Santiago na alam niya ang nagaganap sa loob ng NBP dahil asawa siya ng isang preso rito. Hindi niya mailantad ang kanyang pangalan sa confidential at personal na kadahilanan.
Ayon sa impormante, ang sinasabing kubol ay maliliit na silid sa loob ng selda na inookupahan ng mga preso na kayang magbayad ng mataas na presyo para komportable ang kanilang kinalalagyan sa NBP.
- Latest
- Trending