MANILA, Philippines - Isang tricycle driver ang patay matapos na pasukin sa loob ng kanyang bahay ng tatlong armadong kalalakihan habang natutulog at pagbabarilin sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Kinilala ang nasawi na si Mchmad M. Sultan, 25, tubong Lanao del Norte at residente sa AFP Road, cor. Bataan Road, Garcia Heights, Brgy. Holy Spirit, sa lungsod.
Ayon sa pulisya, patuloy ang imbestigasyon na kanilang ginagawa upang matukoy ang mga salarin na mabilis na tumakas makaraan ang pamamaril.
Sa imbestigasyon, nangyari ang insidente sa loob mismo ng bahay ng biktima pasado alas-3:30 ng madaling-araw.
Mahimbing na natutulog ang biktima nang biglang pasukin ito ng mga suspek na armado ng hindi mabatid na kalibre ng baril at paulanan ng bala sa katawan. Matapos ang pamamaril ay mabilis ding nagsipagtakas ang mga suspek kung saan iniwan na lamang ng mga itong walang buhay ang biktima.
Patuloy namang inaalam ng awtoridad ang motibo ng pamamaril sa biktima. (Ricky Tulipat)