MANILA, Philippines - Ipinakansela na kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Jesus Verzosa ang Permit to Carry Firearms Outside Residence (PTCFOR) ng Vice President ng AMA Computer University matapos itong manutok ng baril at manakal ng isang gasoline boy sa Quezon City kamakailan.
Ayon kay PNP Directorate for Police Community Relations Chief P/Director German Doria ang kinanselahan ng PTCFOR ay si Charles Sullivan, isa sa mga Vice President ng AMA Computer University.
Nabatid na si Sullivan ay nakunan ng TV footage na sinasakal ang isang gasoline boy na si Alfredo Gallaza matapos itong mairita sa mabagal umano nitong pagkilos habang nagpapa-gasolina sa sangay ng Petron sa panulukan ng Timog Ave. at Tomas Morato Ave., Brgy. Laging Handa, Quezon City noong nakalipas na Linggo.
Nakasaad sa ulat na galit na inutusan ni Sullivan ang gasoline boy na si Gallaza na bilisan ang pagkarga ng gasolina kung saan ay nairita ito sa paghihintay.
Nabatid na sinabi ni Gallaza na kanila pang beniberipika ang card ni Sullivan, nang biglang bumaba sa sasakyan ang huli at tinutukan ang gasoline boy ng cal. 45 na dala nitong baril at saka sakalin.
“Based on our assessment, he (Sullivan) is not fit to carry a gun because he has a problem on his temper,” ani Doria. (Joy Cantos)