MANILA, Philippines - Hahatulan na ngayong araw na ito sa Pasig City Regional Trial Court ang itinuturong utak at may-ari ng kontrobersyal na shabu tiangge sa Pasig City na sinalakay ng pulisya noong taong 2006.
Nakatakdang ibaba ngayon ang hatol ni RTC Branch 154 Judge Abraham Borreta laban kay Amin Imam Boratong sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Kasabay nito, sinabi ni Eastern Police District Director Lino Calingasan na magpapakalat sila ng “uniformed at non-uniformed police” sa loob at labas ng Pasig RTC compound upang matiyak ang seguridad ng lugar. Base sa security arrangements, ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation ang magbibigay ng seguridad kay Boratong sa pagpasok nito sa korte hanggang sa basahan na ito ng hatol sa sala ni Boretta sa ikaapat na palapag.
Ang mga tauhan naman ng PNP-Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (AID-SOTF) naman ang magbabantay sa ikalimang palapag ng gusali ng korte habang ang mga tauhan ng EPD ang magbabantay sa una hanggang ikatlong palapag ng gusali.
Sa oras naman na mahatulan ng “guilty” si Boratong, ang mga tauhan ng Southern Police District ang mag-eescort kay Boratong patungo sa National Bilibid Prisons sa Muntinlupa City.
Bukod sa seguridad sa korte, ipinag-utos na rin ni Calingasan katuwang ang NCRPO-Regional Mobile Group ang pagpapataas ng police visibility, pagtatatag ng checkpoints, pagpapalakas ng intelligence gathering at pagbabantay sa mga mahahalagang pampubliko at pribadong instalasyon. (Danilo Garcia)