MANILA, Philippines - Dahil madaling makuha at nagiging sanhi para magamit bilang droga partikular ng mga kabataan, nagbabala ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ang rugby o anumang kauri nito ay hindi na maaring makuha o mabili over the counter.
Ayon kay PDEA director general Senior Undersecretary Dionisio R. Santiago, aksyon nila ito bunga ng regulasyon ibinababa kamakailan ng Dangerous Drug Board (DDB) na maaaring ipagbawal ang pagbebenta ng rugby at iba pang produkto ng toluene based contact cement kung ito ay hindi nahaluan ng 5 porsiyento ng mustard oil.
Itinuring ng DDB na ang naturang mga kemikal bilang dangerous drugs sa pamamagitan ng nasabing porsiyento na nagdedetermina kung ang varian ng TBCC ay masamang droga o hindi.
Iginiit ng PDEA bilang regulatory agency na kailangan nilang imonitor ang mga iligal drugs at kailangan din nilang iimplement ang naturang regulasyon kahit pa may kahigpitan ito para lamang makontrol ang paglaganap ng malayang pagbebenta nito sa mga tindahan.
Sabi pa ni Santiago sa pamamagitan nito matutugunan nila ang problema sa paglaganap ng solvent o rugby sa mga kalsada partikular sa mga kabataan. Dahil anya ang paglalagay ng dagdag na mustard oil sa laman nito ay nagdudulot ng masamang amoy na nagiging sanhi upang hindi na ito singhutin pa.
Hinikayat din ng PDEA ang mga importers, exporters, manufacturers, distributors, retailers, end-users at handlers ng produktong TBCC na magsumite ng karampatang lisensya sa kanila upang makuha ang tamang pagpapatupad nito.