Negosyante biktima ng Dugo-Dugo Gang
MANILA, Philippines - Aabot sa P2 milyong halaga ng alahas ang nakuha sa isang negosyanteng ginang matapos na mabiktima ang katulong nito ng kilabot na Dugo-Dugo Gang sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ang biktima na dumulog sa Criminal Investigation and Detective Unit ng Quezon City Police ay kinilalang si Abigail Mustara-Tuazon, 34, may-asawa ng #45-A Don Ernesto St., Don Enrique Heights, Brgy. Holy Spirit sa naturang lunsod.
Inireklamo ni Tuazon ang pagkawala ng kanyang mamahaling mga alahas na may kabuuang halagang P2,610,000 na nakalagay sa safety vault na pinaniniwalaang tinangay sa kanyang mga katulong na sina Romelyn Toreno, 20, dalaga; at Marita Vergara-Cuibal, 33.
Bandang alas-2:30 kamakalawa ng hapon nang mawala ang safety vault ng biktima sa kanyang kabinet na nasa master’s bedroom kung saan hinihinala niyang kinuha ng kanyang mga katulong.
Ganap na alas-7:30 ng gabi, tumawag ang mga katulong ng biktima sa kanya at nagsabing sila ay nasa Meycauayan Police station at nagrereklamo.
Dahil dito, agad na humingi ng tulong ang ginang sa nasabing himpilan at tinungo ang nasabing lugar kung saan naabutan nila ang mga katulong.
Dito ay ipinagtapat ng mga katulong na nakatanggap sila ng tawag na nag-uutos sa kanila na dalhin ang safety vault sa naturang lugar dahil naaksidente umano ang ginang at kailangan ang salapi para pambayad.
Nagduda naman ang ginang sa alegasyon ng mga katulong kaya ipinaaresto niya ang mga ito.
Inihahanda na ang kasong qualified theft laban sa mga naturang katulong. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending