Suspek sa Ruby Rose slay may death threat
MANILA, Philippines - Isang negosyante na sangkot sa pagpaslang kay Ruby Rose Barrameda ang tumatanggap umano ng mga pagbabanta sa kanyang buhay sa Muntinlupa City.
Ito ang inihayag ni dating Marine Sgt. Rudy Tabucol na nagtatrabaho sa suspek na si Lope Jimenez, may-ari ng BSJ Fishing Corporation.
Sinabi ni Tabucol sa isang panayam na may mga kotseng umaaligid sa tahanan ni Jimenez sa 113 Vounganvilla St., Ayala Alabang Village, Muntinlupa City mula nang isangkot ito ng testigong si Manuel Monteno sa pagpaslang kay Barrameda na kapatid ng aktres at dating beauty queen na si Rochelle.
Sinabi ni Tabucol sa pulisya na walang sticker ng Ayala-Alabang Village ang sasakyang laging pumaparada sa tapat ng bahay ng mga Jimenez sa nasabing village.
Wika pa ni Tabucol, ang palaging pumaparada sa tapat ng bahay ng kanyang amo ay isang deep blue Nissan Sentra na may plakang ZJF-126 at isang puting Ford Expedition na may plakang MTM-222 at pulang motorsiklo na may improvised plate number na IZ-321.
“Mula nang isangkot ni Montero si boss (Jimenez) sa Ruby Rose case, may pumaparadang kotse sa harap ng bahay niya bago pumutok ang araw. Baligtad nga ang pangyayari, si boss ang itinuturong suspek ni Montero pero siya ang maraming death threats,” wika pa ni Tabucol.
Sinabi ni Tabucol na handa silang ipagtanggol ang kanilang amo mula sa anumang masamang balak ng hinihinalang grupo ni Montero o kalaban sa negosyo ng mga Jimenez.
Ang bangkay ni Barrameda ay natagpuang nakasemento sa loob ng isang drum sa karagatan ng Navotas noong nakaraang buwan.
Si Montero na dati umanong empleyado sa BSJ ay lumantad at itinuro ang kinaroroonan ng bangkay ni Barrameda bago isinangkot sa krimen ang ilang kamag-anak ng asawa ng biktima.
- Latest
- Trending