Fortuner ni Piolo Pascual tinira ng 'Baklas Side Mirror Gang'
MANILA, Philippines – Nalambat na ng awtoridad ang kilabot na miyembro ng Baklas Side Mirror Gang na nambibiktima ng mga mamahaling sasakyan, ilang minuto matapos tirahin nito ang mamahaling sasakyan ng aktor na si Piolo Pascual sa kahabaan ng Timog sa lungsod Quezon, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Kinilala ang suspek na Mark Anthony Almaseda, 23, junkshop owner at residente sa Kapatalan Sinoluan, Laguna.
Si Almaseda ay natimbog ng tropa ng brgy. tanod sa pamumuno ni Eduaro Geraldo, matapos na ituro ng testigong si Erwel Yumul, 23 na siyang tumangay ng side mirror ng sasakyang Fortuner (AMY-608) ni Piolo.
Samantala, ang personal driver ni Piolo na si Lorenzo Saballo ang tumayong representative ng aktor nang maghain ito ng reklamo sa tanggapan ng Station 10 ng Quezon City Police.
Base ulat ng pulisya, ganap na ala-1:30 ng madaling-araw nang arestuhin ng mga awtoridad ang suspek sa kanyang hideout sa may Brgy. Scout Triangle sa lungsod.
Bago ito, alas -12 ng hatinggabi habang nakaparada umano ang Fortuner ng aktor kasama ang iba pang sasakyan sa may Sct. Torillo at Sct. Madrinan St, sa Brgy. South Triangle nang sumulpot ang suspek at sinimulang baklasin ang pares na side mirror sa mga nakaparadang kotse kasama ang sa una.
Matapos magawa ang pakay ay saka mabilis na tumakas ang suspek, ngunit hindi nito alam na nakita siya ni Yumul dahilan upang magtungo ito sa himpilan ng barangay at humingi ng tulong. Agad namang rumisponde ang mga awtoridad at sinuyod ang nasabing barangay hanggang sa masakote ang suspek.
Nabawi mula dito ang dalawang piraso ng side mirror ng sasakyan ni Piolo at dalawa pang piraso ng side mirror ng isa pang sasakyang nabiktima nito.
Sa presinto, kahit todo tanggi ang suspek sa bintang sa kanya, positibo naman ang testigong si Yumul na siya ang kumana ng nasabing mga salamin ng sasakyan.
Inihahanda na ang kasong theft na isasampa laban sa suspek habang nakapiit sa nasabing himpilan. (Ricy Tulipat)
- Latest
- Trending