MANILA, Philippines – Tatlong sinasabing mga ‘utak’ sa paggawa ng dokumento na kinabibilangan ng mga pekeng diploma, birth certificates at iba pa ang dinakip sa isang pagsalakay ng mga tauhan ng Manila Police District-sa Quiapo, Maynila,kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ni MPD-District Intelligence Division (DID) chief, P/Supt Ernesto Fojas, dinakip umano ang tatlo sa aktong gumagawa ng pekeng dokumento sa tinaguriang “Recto University” sa Quezon Boulevard, Quiapo, Maynila dakong alas- 5:45 ng hapon kamakalawa.
Nakilala ang mga suspek na sina Emil Chavena, alyas “Bong”, 31, computer technician; John Borja, 39, graphic artist at Jonald Fuentes, 23, kapwa residente ng Quezon Blvd., Quiapo.
Nabatid na sa halagang P250 ay nakagagawa na ang mga suspect ng pekeng birth certificate, mga diploma o kahit anumang klaseng dokumento.
Kabilang sa nasamsam mula sa mga suspek ang dalawang unit ng computer; isang scanner; tatlong printer, metal seal at iba’t ibang samples na mga dokumento tulad ng diploma, birth certificate, driver’s license at iba pa.
Nabatid na maraming network ang mga suspek sa kahabaan ng Recto Avenue na sa kanila ipinapagawa ang mga parukyano ng ilan nilang kakilalang nasa ganito ring iligal na gawain.
Sinampahan ng kasong paglabag sa Article 172 ng Revised Penal Code (Falsification by Private Individuals and Use of Falsified documents) ang tatlong suspek sa piskalya. (Ludy Bermudo)