MANILA, Philippines – Isang lolo ang nasawi habang sugatan naman ang kasamahan nitong helper makaraang paulanan ng bala ng baril ng hindi pa nakikilalang salarin ang minamaneho ng una na school bus sa Quezon City, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) director, Chief Supt. Elmo San Diego ang nasawing biktima na si Joel Lumabang, 67 , retired employee at nakatira sa Alvarez St., Brgy. Milagrosa, Proj. 4, Quezon City.
Sugatan naman ang kanyang stay-in helper na si Leo Cortez, 22-anyos na ginagamot ngayon sa Quirino Memorial Medical Center (QMMC).
Base sa report, dakong alas-4:50 ng madaling-araw ng maganap ang pamamaril sa may Rajah Matanda St., kanto ng Katipunan Ave., QC.
Minamaneho umano ni lolo Joel ang pag- aari nitong school bus kasama ang helper na si Cortez para sunduin ang ihahatid nila sa paaralang mag-aaral at pagsapit sa Katipunan Ave., bigla na lamang sumulpot ang armadong lalaki na naka motorsiklo at walang sabi-sabing pinaulanan sila ng putok ng baril.
Matapos ito ay mabilis na tumakas ang suspect.
Agad naman isinugod sa pagamutan ang mag-amo subalit hindi na naisalba ang buhay ni Lumabang.
Hindi pa matiyak kung ano ang posibleng motibo sa naganap na krimen. (Angie dela Cruz)