MANILA, Philippines – Iniutos ni Pasig City Mayor Bobby Eusebio ang agarang pagpapatayo ng police outpost sa harapan mismo ng Mapayapa compound na ginagamit na sentro ng pagpapakalat ng sindikato ng mga ipinagbabawal na gamot.
Ayon kay Eusebio, determinado ang kanyang liderato na mapuksa ang mga grupong sangkot sa paglaganap ng illegal drugs sa naturang lugar kung kaya sa lalong madaling panahon ay bubuksan na ang outpost ng pulis.
Bukod dito, kinumpirma rin ng alkalde na magtatayo ng bagong himpilan ng Pasig police na higit pang mas magiging malaki kaysa sa headquarters ng Eastern Police District Command (EPDC).
Tiniyak ni Eusebio na nakikipagtulungan na siya sa tanggapan ni PNP Chief, Director-General Jess Versoza at NCRPO Director Roberto Rosales para sa mas mabilis na pagtatapos ng naturang mga proyekto.