3 killer ng BID agent tugis
MANILA, Philippines - Kasalukuyang pinaghahanap ng pulisya ang tat long armadong lalaki na bumaril at nakapatay sa isang ahente ng Bureau of Immigration sa loob ng bahay nito sa lungsod Quezon, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Ayon sa pamunuan ng Quezon City Police District, wala pa silang motibong nakikita sa pamamaril sa biktimang si Douglas Duane Lim, 34, may-asawa, ng #75 Hereford St., Bahay Toro sa naturang lungsod maliban sa pagmo-monitor sa sasakyan nito na isang Ford Expedition na tinangay ng mga suspek.
Iginiit ng mga awtoridad maaring isang kaso ito ng carjacking dahil maging ang kaanak ng biktima ay wala namang nakikitang dahilan upang ito ay paslangin.
Sa imbestigasyon ni PO3 Jaime Jimena, ng District Criminal Investigation and Detective Unit, ala 1:30 ng madaling-araw nang pagbabarilin ang biktima ng mga suspek sa loob mismo ng kanyang tahanan.
Ayon kay Daniel Dennis, kapatid ng biktima, natutulog siya nang makarinig siya ng mga putok ng baril dahilan upang agad siyang bumangon para tignan ito.
Dito umano nakita ni Daniel ang dalawang kalalakihan na binabaril ang kanyang kapatid habang ang isa naman ay mabilis na sumakay sa Ford Expedition (XCS 568) ng kanyang kapatid at saka pinaharurot ito papalayo.
Agad na nagtago si Daniel Dennis sa takot na baka pati siya ay barilin at nang makaalis na ang mga suspek ay saka mabilis na itinakbo niya ang kapatid sa Capitol Medical Center kung saan ito idineklarang patay dahil sa mga tama ng bala sa katawan. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending