MANILA, Philippines – Isang 68-anyos na lolo ang iniulat na nasawi nang masunog ang may 200 kabahayan sa isang squatters’ area sa Quezon City kahapon ng madaling- araw.
Ang biktima na halos hindi na makilala dahil sa matinding pagkasunog ay si Cezar Arabella, nakatira sa Rose St., San Roque II, Brgy. Bagong Pag-asa, Quezon City.
Napag-alaman sa arson probers, dakong ala-1:30 ng madaling-araw nang unang sumiklab ang sunog sa bahay ni Arabella.
Lumitaw sa pagsisiyasat ng BFP, bago nagkasunog isang kaanak ng biktima na nakilalang “Fidel” ang umalis sa bahay at naiwan ang kandilang nakasindi malapit sa higaan ni Arabella na may sakit.
Natumba umano ang naiwang kandila at agad na kumalat ang apoy sa buong bahay. Dahil sa mahina ang katawan ay hindi na nagawa pa ni lolo Cesar na makalabas ng bahay kaya tuluyan itong nalitson.
Dahil sa gawa sa light materials ang mga kabahayan sa lugar ay mabilis na kumalat ang apoy.
Tinatayang aabot sa 200 bahay ang natupok.
Umabot sa task force echo ang alarma ng sunog na naapula ganap na alas-6 ng umaga. (Angie dela Cruz)