AWOL na parak, tiklo sa illegal firearms
MANILA, Philippines - Isang pulis na may limang taon nang Awol (Absent without leave) na hinihinalang may kinalaman sa operasyon ng iligal na droga ang inaresto ng mga tauhan ng Pasig police matapos na mahulihan ng iligal na baril makaraang pumasok sa notoryus na Mapayapa Compound sa Pasig City kamakalawa ng hapon.
Isinasailalim ngayon sa masusing imbestigasyon upang mabatid ang ka ugnayan nito sa operasyon ng iligal na droga sa shabu tiangge na nakilalang si ex-PO1 Ruel Asonza, 33, dating nakatalaga sa Pasig City police. Nahaharap ito ngayon sa kasong illegal possession of firearms.
Sa ulat ng Pasig City police, nadakip si Asonza dakong alas-4:15 ng hapon sa tapat ng gate ng Mapayapa Compound sa Brgy. Sto. Tomas, Pasig. Nabatid na unang namataan ng mga nakatalagang pulis na nagbabantay sa compound si Asonza na dumating sakay ng isang motorsiklo at napansin na may nakabukol sa tagiliran nito saka dumiretsong pumasok ng naturang compound.
Makalipas ang ilang oras, sinita ng mga pulis ang suspek nang lumabas ng compound. Nakuha sa kanyang posesyon ang dalawang baril, isang kalibre .45 na may pitong bala at isang 9mm. Beretta na kanyang service firearm noong nasa PNP pa ito. Wala naman itong maipakitang papeles sa naturang mga baril sanhi ng kanyang pagkakaaresto.
Ayon sa mga imbestigador, nabatid na nag-AWOL sa serbisyo si Asonza noong 2002 ngunit nagawang makabalik sa serbisyo. Muli naman itong nawala sa pagpupulis hanggang sa maaresto ito kamakalawa. Matatandaan na noong 2006, unang sinalakay ng PDEA at PNP ang Mapayapa Compound kung saan nadiskubre ang mala-tianggeng bentahan ng iligal na droga. Dito inaresto si Amin Imam Boratong na itinuturong mastermind sa naturang operasyon. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending