18-anyos patay sa ligaw na bala

MANILA, Philippines – Todas sa ligaw na bala ang isang 18-anyos na dalagang ina, matapos mag­pa­putok umano ng baril ang dalawang lalaki sa kanilang niresbakang grupo sa Sta. Ana, Maynila, kahapon ng madaling-araw.

Namatay habang nilalapa­tan ng lunas sa Ospital ng May­­nila ang biktimang si Xandra Hernandez, ng   Pasig Line St., Sta. Ana, dahil sa tina­mong bala sa tiyan.

Inaresto sa isang follow-up operation ang mga itinuturong suspek na sina Ralph Pag­sanjan, 16, 4th year sa Makati High School at bayaw nitong si Jermaine Robles, 24, kap­wa residente ng A. Francisco St., Sta. Ana, Maynila.

Sa ulat ni Det Benito Cabat­bat ng Manila Police District-Homicide Section, dakong ala-1:10 ng madaling-araw nang ma­ganap ang in­sidente sa ha­ra­pan ng bahay ng biktima ma­lapit sa Villa­mor Elementary School sa Dagonoy Extn., Sta. Ana.

Nabatid na papalabas ng bahay ang biktima nang mag­kataong nagsasagupa umano ang dalawang magkalabang grupo sa tapat ng Villamor Elem. School.

Nakita na lamang ng mga residente na duguang naka­lug­mok si Hernandez at isang kapitbahay ang mabilis na nagdala sa kaniya sa ospital.

Sa interogasyon sa mga nadakip na suspek, idinahilan ni Pagsanjan na ng oras na na­ganap ang incidente ay nagpa­pagamot umano siya sa Ospital ng Maynila para ipaga­mot umano ang sugat na tinamo sa kalabang grupo ha­bang ang bayaw na si Robles naman ay idinahilang nasa bahay siya at natutulog nang mga oras na naputukan ang biktima.

Sa naging pahayag na­man ng mga residente, na­sak­sihan nila na bago ang putukan, bandang hapon umano ay may nakaaway na ang magbayaw at nasuntok umano si Pag­sanjan kaya rumesbak umano ito sa ka­labang grupo nang oras na matamaan ng ligaw na bala ang biktima at may saksi din na nakitang nagpaputok umano ang mga suspek.

Nakapiit sa MPD-Homi­cide Section ang dalawnag suspek habang inihahanda ang isa­sampang kasong homicide. (Ludy Bermudo)


Show comments