18-anyos patay sa ligaw na bala
MANILA, Philippines – Todas sa ligaw na bala ang isang 18-anyos na dalagang ina, matapos magpaputok umano ng baril ang dalawang lalaki sa kanilang niresbakang grupo sa Sta. Ana, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Namatay habang nilalapatan ng lunas sa Ospital ng Maynila ang biktimang si Xandra Hernandez, ng Pasig Line St., Sta. Ana, dahil sa tinamong bala sa tiyan.
Inaresto sa isang follow-up operation ang mga itinuturong suspek na sina Ralph Pagsanjan, 16, 4th year sa Makati High School at bayaw nitong si Jermaine Robles, 24, kapwa residente ng A. Francisco St., Sta. Ana, Maynila.
Sa ulat ni Det Benito Cabatbat ng Manila Police District-Homicide Section, dakong ala-1:10 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa harapan ng bahay ng biktima malapit sa Villamor Elementary School sa Dagonoy Extn., Sta. Ana.
Nabatid na papalabas ng bahay ang biktima nang magkataong nagsasagupa umano ang dalawang magkalabang grupo sa tapat ng Villamor Elem. School.
Nakita na lamang ng mga residente na duguang nakalugmok si Hernandez at isang kapitbahay ang mabilis na nagdala sa kaniya sa ospital.
Sa interogasyon sa mga nadakip na suspek, idinahilan ni Pagsanjan na ng oras na naganap ang incidente ay nagpapagamot umano siya sa Ospital ng Maynila para ipagamot umano ang sugat na tinamo sa kalabang grupo habang ang bayaw na si Robles naman ay idinahilang nasa bahay siya at natutulog nang mga oras na naputukan ang biktima.
Sa naging pahayag naman ng mga residente, nasaksihan nila na bago ang putukan, bandang hapon umano ay may nakaaway na ang magbayaw at nasuntok umano si Pagsanjan kaya rumesbak umano ito sa kalabang grupo nang oras na matamaan ng ligaw na bala ang biktima at may saksi din na nakitang nagpaputok umano ang mga suspek.
Nakapiit sa MPD-Homicide Section ang dalawnag suspek habang inihahanda ang isasampang kasong homicide. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending