Pekeng guro arestado

MANILA, Philippines - Isang 22-anyos na dalaga ang inaresto matapos itong magpanggap na teacher at ta­ngayin ang cellphone ng mga estudyante kahapon ng umaga sa Caloocan City.

Nahaharap sa kasong swindling in relation to child abuse si Mary Jane Vergara, taga-East Bagong Barrio ng lungsod na ito.

Sa report na natanggap ng Caloocan City Police, dakong alas-11:40 ng umaga, pinunta­han ng suspek ang 4th year high school student na itinago sa pangalang Thelma, 15, sa bahay nito sa Bocaue, Bulacan at nagpakilala na bago nilang teacher.

Nagpasama ang suspek kay Thelma sa Meycauayan National High School at doon sinabihan ng una ang huli na hi­ra­min muna ang mga cell­phone ng dalawang ka-eskuwela.

Nang makuha ay niyaya ng suspek si Thelma na magpunta sa Gotesco Grand Central sa Monumento, Caloocan City upang magpagawa umano ng tarpaulin na gagamitin sa sayaw.

Habang hawak ng suspek ang dalawang cellphone ay sinabihan nito si Thelma na maghintay sa isang fastfood ng nasabing mall subalit nakatu­nog ang estudyante na iiwan na siya nito.

Agad na humingi ng tulong si Thelma sa mga guwardiya ng mall na naging dahilan upang pigilan ang suspek at dalhin sa presinto kung saan inamin ni Vergara na hindi siya teacher at gipit lang aniya siya, kaya niya nagawang lokohin ang mga biktima. (Lordeth Bonilla)

Show comments