MANILA, Philippines - Matapos ang ilang araw na pagtatago, sumuko na sa kanyang mga kabaro ang isang kagawad ng Quezon City Police District (QCPD) na itinurong nakapatay sa isang lalaki at nakasugat sa isa pa noong linggo ng gabi sa Barangay Kamuning dito.
Si PO2 Edgar Gabanan, 38, ay sumuko kay Chief Insp. Dorothy Du, hepe ng general investigation ng Criminal Investigation and Detective Unit ng Quezon City Police upang linawin ang pamamaril sa biktimang si Michael Fresno, 32, ng Drasma St., North Fairview, sa lungsod.
Bukod kay Fresno, sugatan din ang isang Rodel de Pablo, 33, naninirahan sa Makabayan St., Brgy. Obrero.
Ikinatwiran ni Gabanan, nakatalaga sa District Police Intelligence Unit (DPIU) na ang nangyari ay isa lamang self- defense o pagtatanggol sa sarili na kung hindi niya ginawa ay baka siya ang napahamak.
Base sa report, nangyari ang pamamaril noong linggo ng gabi sa loob ng Kamuning Market sa Shiangio St. , Brgy. Kamuning sa lungsod.
Kasalukuyang fiesta sa lugar nang makitang nagtatalo sina Fresno at isang sinasabing pulis hanggang sa magbunot ng huli ng baril at paputukan ang una na ikinasawi nito.
Ayon naman kay Gabanan na naka-off duty siya nang maganap ang insidente at nagtungo lamang sa lugar para dumalo sa fiesta at doon naabutan na nakikipagtalo ang kanyang tiyuhin sa dalawang biktima na lango sa alak.
Diumano nang awatin ni Gabanan ang mga ito matapos magpakilalang pulis ay nagalit si Fresno at tinangka siyang sak sakin kayat napilitan na siyang paputukan ito. (Ricky Tulipat)