MANILA, Philippines – Umulan ng yelo o tinatawag na “frozen rain”, kahapon ng hapon sa Parañaque City.
Nabatid na dakong alas-3 ng hapon nang unang simulang ulanin ng maliliit na yelo na kasing laki ng mga butil ng mais ang Marcelo Village ng naturang lungsod kasabay ng malalakas na kulog at kidlat.
Ayon sa mga residente, tumagal pa umano ng halos tatlong minuto ang pag-ulan ng nasabing yelo.
Ilang minuto pa ay ang palibot naman ng Parañaque City Hall at San Antonio Village ang inulan naman ng naturang yelo na tumagal ng halos anim na minuto.
Ayon naman sa ilang mga residente, ito ang unang pagkakataon na inulan ng snow ang kanilang lugar kung saan nag-mistulang wonderland umano ang kanilang palibot. (Rose Tamayo-Tesoro)