Electrician todas sa kuryente
MANILA, Philippines – Hindi umubra ang pagkabihasa sa kuryente ng isang electrician matapos na masawi ito nang tamaan ng malakas na boltahe ng kuryente habang nagkukumpuni nito sa lungsod Quezon kamakalawa.
Nalapnos ang buong katawan na naging sanhi ng pagkamatay ng biktimang si Benjie Venoza, 24, binata, stay-in sa R@E Builders construction na matatagpuan sa Edsa, Balintawak sa lungsod.
Ayon sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente sa mismong tinutuluyan ng biktima ganap na alas-6:30 ng gabi.
Kasalukuyang nagkakabit ng kuryente ang biktima sa ilalim ng construction building dito nang biglang masapol ito ng malakas na boltahe.
Ayon sa saksing si Fatty Ocelo, mason sa nasabing kompanya, nakita na lamang niyang nagpipisig ang katawan ng biktima hanggang sa mawalan ito ng malay tao.
Agad namang isinugod sa Quezon City General Hospital ang biktima ngunit idineklara din itong patay.
Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending