MANILA, Philippines – Isang 30-anyos na misis ang nasawi, habang sugatan naman ang mister nito makaraang mabundol ang sinasakyan nilang motorsiklo ng isang rumaragasang van sa lungsod ng Quezon City.
Kinilala ang nasawi na si Mila Suriaga, 30, residente sa Magdiwang Queensrow, Molino Bacoor, Cavite, habang sugatan naman ang mister nitong si Rey Suriaga, 34. Hawak naman ng awtoridad ang nakabundol na driver na si Leopoldo Dionisio Jr., 38, ng Sun Valley, Parañaque City para sa kaukulang imbestigasyon.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente sa may southbound lane ng Libis partikular sa harap ng Shopwise supermarket sa lungsod ganap na alas-2 ng hapon.
Sinasabing kapwa tinatahak ng motorsiklo (2956PM) sakay ang mag-asawa at ng Isuzu Aluminum van (WNH-145) ang nasabing lugar nang biglang huminto ang una para gumawi sa pedestrian lane.
Sa biglang pagpuwesto ng motorsiklo ng mga biktima sa nasabing linya ay tiyempo namang dumarating ang sasakyan ni Dionisio at tumbukin ang huling bahagi ng sinasakyan ng mga una.
Sa pagkakabangga ay sumadsad ang sasakyan ng mga biktima sa simentadong kalsada na naging sanhi upang magtamo ng matinding injury ang ginang sa ulo habang sugatan naman ang asawa nito.
Inihahanda na ang kasong reckless imprudence resulting in homicide at physical injury laban sa suspek. (Ricky Tulipat)