MANILA, Philippines - Arestado ang isang 3rd year high school student nang madiskubreng may ‘baon’ na 11 sachet ng pinatuyong marijuana sa kaniyang pagpasok sa eskwela, kahapon ng umaga, sa Sta. Cruz, Maynila.
Nai-turn over na sa Manila Police District-Station 3 ang suspek na si Eddie Leo Sunga, 18, at residente ng M. Hizon st., Sta. Cruz, Maynila.
Sa ulat ni P/Supt. Ernesto Tendero Jr., hepe ng MPD-Station 3, dakong alas-10:15 ng umaga kahapon nang maaresto ng nakatalagang security guard na si Lourdes Avillano, ng T. Alonzo HS ang suspek.
Nabatid na hiniram ng suspek ang bag ng kanyang kaklase na si Jay-Ar Tiolengco bago sabay na pumasok sa gate ng pinapasukan nilang paaralan. Nang makalagpas na ang suspek at Tiolengco sa inspeksiyon sa gate ng nasabing sekyu, napansin ng huli na ibinalik ng suspek ang bag kay Tiolengco matapos makuha ang wallet nito sa loob ng naturang bag.
Dahil sa pagdududang may ipinatago ang suspek ay tinawag nito at pinabalik sa gate upang usisain ang wallet na kinuha ng suspek kay Tiolengco. Mariing pumalag ang suspek sa inspeksiyon ng wallet kaya lalo umanong nagpursige ang guwardiya na tingnan ang laman ng wallet.
Sa pagbukas ng wallet ay nakita ng sekyu ang 11-piraso ng sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana kaya’t agad itong tumawag sa himpilan ng pulisya upang makasuhan ang suspek.
Umamin umano ang suspek na nagtitinda siya ng marijuana para kumita at may pambaon sa kanyang pag-aaral at kinukuha niya umano ang iligal na droga (marijuana) sa isang alyas “Tatay Tato”, na nakatira sa Elias St. Sta Cruz, Maynila. (Ludy Bermudo)