MANILA, Philippines - Nauwi sa kamatayan ang dapat sana ay kasiyahan ng isang 17-anyos na binatilyo matapos manalo sa basketball makaraang pagbabarilin ito ng isang di-nakikilalang lalake sa lungsod Quezon kamakalawa. Nagtamo ng mga tama ng bala sa baba, bagang, kaliwang mata at kaliwang tenga ang biktimang si Jomar Rodriguez na agad nitong ikinamatay.
Sa imbestigasyon ni PO2 Joycelyn Marcelo, may hawak ng kaso, lumilitaw na nangyari ang insidente sa may Calma Compound, Interior Ipil St., Brgy. Balara sa lungsod, ganap na alas-8 ng gabi. Bago ito, kagagaling lamang sa paglalaro ng basketball ng biktima kasama ang mga kaibigan at nagpapahinga sa lugar nang mangyari ang insidente. Sinasabing patungo sana sa tindahan ang biktima matapos humingi ng P10 sa kanyang kapatid na si Jericho para bumili ng yelo nang biglang harangin ito ng suspek at pagbabarilin sa mukha.
Nang duguang bumagsak sa lupa ang biktima ay agad na tumakas ang suspek, kung saan isinugod naman ng ilang kaibigan ang una sa General Malvar hospital ngunit idineklara din itong patay. Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente upang matukoy ang motibo ng nasabing krimen. (Ricky Tulipat)