Habambuhay sa cop killer

MANILA, Philippines - Pinatawan ng habam­buhay na pagkakulong ng Pasig City Regional Trial Court ang isa sa apat na suspek na nanambang at pumatay sa isang opisyal ng Pasig City Po­lice na may ka­ugnayan sa im­bestigasyon sa shabu tiangge sa naturang lung­sod noong 2006.

Pinagbabayad din ng kabu­uang P335,000 danyos ni Judge Abraham Borreta ng RTC Branch 154 si Leonardo Capili para sa mga naiwang pamilya ng biktimang si Chief Insp. Renato Marasigan, da­ting nakatalaga sa PNP Head­quarters sa Camp Crame.

Sa 20-pahinang desisyon, sinabi ni Borreta na nakipag­sab­watan si Capili sa tatlong iba pa sa pagpatay kay Mara­sigan na nagsasagawa ng imbesti­gasyon sa mga kapwa opisyal ng pulisya sa ka­ugnayan ng mga ito sa Pasig shabu tiangge.           

Pinaboran ng hukom ang positibong pagkilala ng sak­sing si Enrique Gabrielles, tindero ng diyaryo, kay Capili na isa sa mga suspek na nag­padapa sa kanila ngunit hindi nito nakita kung ito rin ang bumaril sa biktima.

Ibinasura naman ng korte ang alibi ni Capili na nasa bahay niya siya sa Caloocan City no­ong Marso 29, 2006 nang ma­ganap ang krimen. Ito’y mata­pos na mabigo si Capili na sabi­hin kung nasaan siya sa pagitan ng alas-6 ng umaga nang umalis siya ng bahay hanggang alas-9:30 ng umaga nang makabalik siya.

Base sa rekord, sakay si Ma­ra­sigan ng kanyang Mitsu­bishi Pajero nang tambangan ng apat na suspek sa tapat ng barangay hall sa Brgy. Malinao, Pasig City.

Agad namang nag­palabas ng cartographic sketch ang pulisya sa telebisyon kung saan isang impormante ang agad na nagturo sa kinaro­roonan ni Capili sa Caloocan City sanhi ng kanyang pagka­kaaresto. (Danilo Garcia)

Show comments