Habambuhay sa cop killer
MANILA, Philippines - Pinatawan ng habambuhay na pagkakulong ng Pasig City Regional Trial Court ang isa sa apat na suspek na nanambang at pumatay sa isang opisyal ng Pasig City Police na may kaugnayan sa imbestigasyon sa shabu tiangge sa naturang lungsod noong 2006.
Pinagbabayad din ng kabuuang P335,000 danyos ni Judge Abraham Borreta ng RTC Branch 154 si Leonardo Capili para sa mga naiwang pamilya ng biktimang si Chief Insp. Renato Marasigan, dating nakatalaga sa PNP Headquarters sa Camp Crame.
Sa 20-pahinang desisyon, sinabi ni Borreta na nakipagsabwatan si Capili sa tatlong iba pa sa pagpatay kay Marasigan na nagsasagawa ng imbestigasyon sa mga kapwa opisyal ng pulisya sa kaugnayan ng mga ito sa Pasig shabu tiangge.
Pinaboran ng hukom ang positibong pagkilala ng saksing si Enrique Gabrielles, tindero ng diyaryo, kay Capili na isa sa mga suspek na nagpadapa sa kanila ngunit hindi nito nakita kung ito rin ang bumaril sa biktima.
Ibinasura naman ng korte ang alibi ni Capili na nasa bahay niya siya sa Caloocan City noong Marso 29, 2006 nang maganap ang krimen. Ito’y matapos na mabigo si Capili na sabihin kung nasaan siya sa pagitan ng alas-6 ng umaga nang umalis siya ng bahay hanggang alas-9:30 ng umaga nang makabalik siya.
Base sa rekord, sakay si Marasigan ng kanyang Mitsubishi Pajero nang tambangan ng apat na suspek sa tapat ng barangay hall sa Brgy. Malinao, Pasig City.
Agad namang nagpalabas ng cartographic sketch ang pulisya sa telebisyon kung saan isang impormante ang agad na nagturo sa kinaroroonan ni Capili sa Caloocan City sanhi ng kanyang pagkakaaresto. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending