Tupadahan at fruit games sinalakay
MANILA, Philippines - Hindi na nagawa pang makatakas ng may 27 katao na nagsasagawa ng tupada sa Tondo, Maynila nang biglang salakayin ang Pier 2 sa North Harbor, Manila ng mga tauhan ng Task Force CHAPA (City Hall Action and Police Assistance) sa pangu nguna ni Sr. Insp Marcelo Reyes.
Mga talunang manok, panabong na manok at pera na taya sa tupada na nagkakahalaga ng P15,160 pesos ang nakuha ng grupo ni Reyes kamakalawa ng umaga.
Makaraan ang ilang oras ay sinunod namang sinalakay ni Reyes ang Isla Puting Bato sa Tondo dahil naman sa mga nagkalat na illegal na fruit game na kinalolokohan ng mga kabataan.
Ito rin ang sinasabing inirereklamo ng mga magulang dahil napapabayaan na ng mga bata ang kanilang pag-aaral.
Kasama sa mga sinalakay ang apat na mga bahay kung saan nakalagay ang mga illegal na fruit game subalit wala isa man sa mga maintainer ng nasabing fruit game ang naabutan ng grupo ng CHAPA at sa tulong ng mga barangay opisyal sa lugar ay nakilala ang mga nagmamay-ari ng bahay at nakatakdang sampahan ng kasong P.D.1602.
Matapos makumpiska ang mga fruit game ay isa namang impormasyon ang natanggap ng mga tauhan ng CHAPA tungkol sa mga nagkalat na sex toys, Chinese Viagra at mga smut materials na ibinebenta sa palibot ng Quezon Boulevard.
Mabilis nilang tinungo ang area ng Quiapo at pinagkukumpiska ang mga naabutang paninda na mga bold dvd, 89 na piraso ng Silicon Sex Ring at iba pang mga sex toys na lantarang ibinebenta sa Raon at sa paligid ng Quezon Blvd. (Doris Franche)
- Latest
- Trending