Scorer sa basketball patay sa boga

MANILA, Philippines – Isang 30-anyos na lalaki na scorer sa larong basketball ang binaril hang­gang sa mapatay ng hindi pa kilalang mga suspek kamakalawa sa Quezon City.

Nakilala ang nasawi na si Rick Camacho, ng Blk-6, Gravel Pit st., Brgy. Payatas, Quezon City.

Sa paunang ulat, naganap ang pama­maslang dakong alas-4:30 ng hapon sa isang basketball court na nasa loob ng St. Joseph Parish Church sa naturang lugar.

Sinasabing kasalukuyang nag-iiskor sa larong basketball ang biktima nang lapitan siya ng dalawang suspek na pawang armado ng cal.45 baril at saka agad itong pinaputukan sa dibdib.

Habang nagsipulasan ng takbo ang mga manonood ng laro at iba pang tao sa lugar ay nagpaputok pa sa ere ang isa sa dalawang suspek saka lumakad papalayo sa lugar na parang walang nangyari.

Ang kasong ito ay patuloy na ini­imbestigahan ng pulisya. (Angie dela Cruz)


Show comments