Kaso ng dengue tumataas

MANILA, Philippines – Habang nakatutok ang Department of Health sa kaso ng Influenza A(H1N1) virus, patuloy rin namang umaakyat ang bilang ng mga tinatamaan ng sinasabing mas mapanganib na sakit na dengue sa Pasig City.

Sa nakalap na datos sa Rizal Medical Center pa lamang, may 12 pasyente na ang tinamaan ng sakit na dengue ngayong buwan ng Hunyo pa lamang at inaasahan na patuloy na aakyat dahil sa pagpasok na ng panahon ng tag-ulan.

Ayon kay Dr. Sonia Comia, ng Pediatrics Ward ng RMC, nasa pagitan ng edad na 2-anyos hang­gang sa 20-anyos ang tinamaan ng naturang sakit bagama’t anim sa mga ito ay gumaling at naka­labas na ng pagamutan.

Sa naturang bilang ay wala pa naman umanong naitatalang mas grabeng mga pasyente na umabot sa stage 4 ng dengue hemorrhagic fever ang pinaka- kritikal na stage at mahirap na umanong maligtasan ng isang pasyenteng maapektuhan nito. Tiniyak din ng mga mangga­gamot dito na handa ang RMC na mayroon silang kaukulang supply ng dugo at gamot para sa panganga­ilangan ng mga pasyente bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng iba pang mga magiging pasyente. (Danilo Garcia)


Show comments