Mahigit sa P24 milyong halaga ng mga smuggled na sibuyas galing sa China ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC).
Ayon kay Customs Commissioner Napoleon Morales ang nasabing mga sibuyas ay nasa loob ng labing limang 40-footer containers na dumating kamakailan sa Manila International Container Port (MICP) Illegal umano ang nasabing shipment dahil walang karampatang papeles ang consignee nito na nagdala ng mga sibuyas sa bansa.
Maliban dito, matagal na rin umanong ipinagbabawal ng Department of Agriculture (DA) ang pag-aangkat ng sibuyas dahil apektado nito ang kita ng mga magsasaka at mga nagbebenta ng sibuyas dito.
Sinabi ni DA Undersecretary Jesus Emmanuel Paras na kasamang nag-inspeksyon ng mga kontrabando, pinoprotektahan lamang nila ang kapakanan ng mga magsasaka.
Hindi naman pinayagan ng DA na mai-auction ang mga nasabing sibuyas para matiyak na hindi na maibebenta ang mga ito sa merkado at sa halip bubulukin na lamang ang mga ito at saka gagamitin na pataba.
Noon lamang nakaraang buwan ng Mayo, nasabat din ng customs ang 111,600 kilos ng sibuyas na naka-consign din sa nasabing kumpanya. (Gemma Amargo Garcia)