MANILA, Philippines – Dahil sa labis na kahirapan at sa kagustuhang mabigyan ng disenteng libing, ipinuslit ng isang ama mula sa ospital ang bangkay ng kanyang bagong silang na anak dahilan upang arestuhin ang una, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Nakilala ang nadakip na si Rodrigo Palma, taho vendor at residente ng Medicion II-B, Imus, Cavite pasado alas-2 ng madaling-araw habang ito ay naghihintay ng bus na masasakyan pauwi sa kanilang tahanan.
Batay sa imbestigasyon ni SPO1 Alejandro Cuadra ng Station Investigation and Detective Section, unang nilalapatan ng lunas ang kanyang anim na araw na sanggol na babae na ipinanganak ng kanyang asawa sa Philippine General Hospital, Manila dahil sa komplikasyon sa baga.
Makalipas ang tatlong araw, hindi nakayanan ng sanggol ang taglay na karamdaman at binawian ito ng buhay.
Sa medical slip, umabot sa halagang P20,000 ang babayaran ni Palma, bukod pa sa P16,000 para sa funeral service na hindi umano makayanang bayaran nito.
Dahil wala namang maibabayad sa ospital at malaking halaga para sa serbisyo ng punerarya, isinilid ni Palma ang bangkay ng kanyang anak sa loob ng isang kahon at itinakas palabas ng PGH upang maiuwi sa kanilang bahay sa Cavite.
Nagkataon namang nagpapatrulya si SPO1 Johniel Estrada nang inguso ng isang bystander ang suspect na may dalang kahon na naglalaman ng bangkay ng bata.
Habang iniimbestigahan, inamin ng suspect na wala siyang kakayahan upang bayaran ang gastusin sa ospital pati na ang funeral service kung kaya’t minabuti nitong itakas ang sanggol upang mabigyan ng maayos na libing sa tulong ng kanilang kaibigan at kapitbahay sa Imus, Cavite.
Bunga naman ng makataong kadahilanan, pinahintulutan muna ni SPO1 Cuadra na maiuwi ni Palma ang itinakas na anak upang maiburol at mabigyan ng maayos na libing.