Binatang obsessed sa may-asawa, nagbigti
MANILA, Philippines - Obsession sa isang babaeng may-asawa ang dahilan ng pagpapakamatay ng tatlong beses ng isang binata, kung saan natuluyan ito sa huling pagtatangka, kahapon ng madaling-araw, sa Tondo, Maynila.
Nadiskubre ang bangkay ni Edgar Bernardo,39, binata, part time electric fan repairman ng J. P Rizal St., Tondo, Maynila na pinaniniwalaang may ilang oras nang nakabigti.
Sa ulat ni Det. David Tuazon ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-6:45 ng umaga nang madiskubre ang biktima na nakabitin sa loob ng kaniyang bahay, gamit ang nylon cord.
Sinabi ng isang Rodel Carmen, 30, isang pedicab driver, kapit-kwarto ng biktima, kukunin niya lamang ang tasa na naiwan ng ina sa kuwarto ni Bernardo nang mabulaga siya sa nakabigting biktima.
Sinabi pa ni Tuazon na bago ang insidente, may dalawang beses nang nagtangkang magpakamatay ang biktima, una itong uminom ng silver cleaner subalit nakaligtas ito at ikalawa ang paghawak sa live wire na naagapan din kaya nakaligtas.
Bukod kay Tuazon, naniniwala din ang iba pang kapitbahay ng biktima na ang sobrang pagka-in love ng biktima sa isang babaeng may-asawa na bumasted sa kaniya ang dahilan sa pagpapakamatay nito.
Gayunman, iniimbestigahan kung may foul play.
Hindi naman binanggit kung sino ang kinalolokohang babaeng may-asawa. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending