MANILA, Philippines - Ipinagpaliban kahapon ng Manila Regional Trial Court (RTC) ang pagbasa ng sakdal kay dating police Colonel Cezar Mancao II kaugnay sa kinakaharap nitong double murder case bunsod nang pagdukot at pagpatay sa dating publicist na si Salvador “Bubby” Dacer at driver nitong si Emmanuel Corbito noong Nobyembre 2000 matapos na maghain ang kampo nito.
Ayon kay Mancao, na binigyan ng mahigpit na seguridad ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI), hindi pa siya handang maghain ng anumang plea kaugnay sa kasong kanyang kinakaharap.
Pinagbigyan naman ni Manila RTC Branch 18 Judge Myra Garcia Fernandez ang mosyon at muling itinakda ang arraignment sa Hunyo 30.
Kaugnay nito, binigyan din ni Fernandez ang Department of Justice (DOJ) ng 10 araw upang tumugon sa inihaing mosyon ng abogado ng iba pang akusado sa double murder case, na ilipat si Mancao sa Manila City Jail.
Sa mosyon na inihain ni Atty. Dante David, na kumakatawan sa 21 akusado sa kaso na naaresto at nakakulong sa MCJ, kinuwestyon nito ang pananatili ni Mancao sa NBI safehouse dahil dapat umanong sa MCJ din ito manatili tulad ng iba pang akusado sa krimen.
Gayunman, sinabi ng DOJ, sa pamamagitan ni State Prosecutor Hazel Valdez, sa hukuman na hindi maaaring ilipat si Mancao sa MCJ dahil sa banta sa buhay nito. (Doris Franche)